Sen. Alan kinasuhan sa Ombudsman

MANILA, Philippines - Kinasuhan ng pamunuan ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa tanggapan ng Ombudsman si Senador Alan Peter Cayetano ng paglabag sa Section 5 ng RA 6713 o kilala sa tawag na Code of Conduct and  Ethical standards for public officials and employees.

Sa 5-pahinang reklamo nina Dante Jimenez at Martin Dino, sinabi ng mga ito na noong January 21, 2013 ay  nagsampa sila ng reklamo sa Senate Committee on Ethics and Privileges na pinamumunuan ni Cayetano laban kay Senate President Juan Ponce Enrile tungkol sa  P1.6 milyong Xmas gift noong Disyembre 2012.

Mula anya nang maisampa nila ang reklamo sa naturang komite na pinamumunuan ni Cayetano ay hindi man lamang ito naaksiyunan ng senador bagay na isang paglabag sa naturang batas.

Binigyang diin ng mga ito na ipauubaya na lamang nila sa tanggapan ng Ombudsman na aksiyunan at patawan ng kaukulang parusa ang ginawang pag-isnab ni Cayetano  na maaksiyunan  ang kanilang kahilingan sa naturang komite.

Magugunitang nagkairingan noon si Cayetano at Enrile sa usapin ng Xmas gift na humantong sa pagbibitiw sa puwesto ng head executive asst. ni Enrile na si Atty. Gigi Reyes na sinasabing nakarelasyon ni Enrile.

Show comments