MANILA, Philippines - Isang American national ang dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Customs matapos na makita sa mga bagahe nito ang pitong piraso ng bala ng caliber .40 pistol habang nasa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City kamakailan.
Sa ulat na natanggap ni Customs Commissioner Ruffy Biazon, kinilala ang suspek na si David Alexander Delevan, 28, tubong New Hampshire at pansamantalang nanunuluyan sa Room 36-O Belton Place, na matatagpuan sa panulukan ng Pasong Tamo at Yakal Sts., Makati City.
Nakumpiska sa suspek ang 7 pirasong bala ng nasabing baril at isang snap cap na ginagamit sa dry firing na nakita sa kanyang bag ng x-ray machine dakong alas-12:34 ng tanghali sa Build-Up One malapit sa departure area ng Terminal 2 ng NAIA noong Sabado.
Nabatid na patungo sana ang suspek sa Pudong, Shanghai, China at habang nagsasagawa ng inspection ang mga tauhan ni Biazon sa mga bagahe ng mga pasahero ay nakita sa pamamagitan ng x-ray machine ang bag ng suspek na naglalaman nang kahina-hinalang mga bagay.
Kaya’t sinita nila ang dayuhang suspek at nang pinabuksan ang bag para berepikahin ay dito nakita ang mga nasabing bala.
Ang suspek ay dinala Pasay City sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) at sasampahan ng kasong illegal possession of ammunition.