Mga sekyu at Army reservist nagsagupa: 2 dedo

MANILA, Philippines - Napagtripan umanong pagbabarilin ng grupo ng security guard ang grupo ng Army Reservist na ikinasawi ng dalawa at pagkasugat ng apat na iba pa kamakalawa sa Hacienda Handumanan, Brgy. Concepcion, Talisay City, Negros Occidental.

Ang mga nasawing biktima ay  kinilalang sina Francisco Lumagyao, 58; at Federico Mandate, kapwa security guard sa pinag-aagawang hangganan ng lupain na taniman ng tubo sa lugar.

Isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatang sina Army reservist Lolito Onate; Corporal Rene Escalona ng Phil. Army; mag-amang Boy Talimbo at anak nitong si Ralph Talimbao; pawang nasa hustong gulang.

Batay sa ulat, dakong alas-11:00 ng umaga ay dumating sa Army Reservist outpost sa lugar si  Escalona kasama ang ilang sundalo at reservist lulan ng Willys type jeepney at kinompronta ang mga security guards na nagbabantay sa lugar kung sino sa mga ito ang nanutok ng baril sa kaniyang mga kasama na nasa ilalim ng kaniyang pangangasiwa.

Isa sa mga guwardiya ang nagpaputok at duguang bumagsak si Escalona na tinamaan sa kaliwang pisngi kung saan mabilis namang gumanti ng putok ang reservist na kasamahan ng naturang sundalo.

Nagkaroon ng ilang minutong putukan sa pagitan ng magkabilang panig na natigil lamang ng magresponde ang mga elemento ng pulisya sa lugar.

Nabatid na binabantayan ng magkabilang panig ang hangganan ng  lupaing taniman ng tubo na pinag-aagawan ng isang negosyanteng si Judith Montives at isang huwes umano ng Bacolod City.

Show comments