Sekyu, nakaposas na inutas

MANILA, Philippines - Inutas habang naka­posas ang isang se­curity officer ma­ka­­raang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang sa­larin sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Ang biktima ay nakila­lang si Nasrodin Saik, 29, na nakitang wala ng buhay malapit sa isang creek sa Dubai St., San Roque, Barangay Pagasa sa lungsod.

Ayon kay PO2 Hermogenes Capili ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, mayroon na silang tinutugaygayang suspek  subalit hindi muna nila ito pinangalanan dahil hinihintay pa nila ang taong tetestigo laban dito upang maaresto.

Sa imbestigasyon ni Capili, nabatid na ganap na alas-4:30 ng madaling araw nang makita ang bangkay ng biktima na tadtad ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng ka­tawan.

Nakaposas pa ang kaliwang kamay ng biktima nang makitang wala ng buhay na hinihinalang pinahirapan muna bago tuluyang pinaslang.

Bago natagpuan ang bangkay ng biktima ay nagpapatrulya umano si Alican Campong, security guard sa Ayala Property nang makarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril sa nasabing lugar.

Agad na ipinagbigay alam ni Campong ang pangyayari sa kanilang security officer na si Usman Mangaran, saka pinuntahan ang lugar at doon nakitang naka­handusay ang biktima na may tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ang pitong basyo ng kalibre 45 baril sa pinangyarihan ng krimen.

Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya para matukoy at madakip ang mga taong nasa likod ng pagpatay sa biktima.

 

Show comments