2 holdaper na pumatay sa PLM cum laude tugis

MANILA, Philippines - Isang manhunt operation ang iniutos ni Manila Mayor Alfredo Lim kay Manila Police District director Chief Supt. Alex Gutierrez laban sa dalawang lalaki na humoldap at pumatay sa isang  babaeng cum laude ng Pamantasan  Lungsod ng Maynila kamakalawa ng madaling-araw sa Maynila.

Personal na dumulog kahapon kay Lim si Mang  Jessie Concepcion upang  mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak na tourism graduate sa PLM at kasalukuyang nagtatrabaho  sa  Dusit Hotel sa Intercon sa Makati City na si Christine Dawn.

Batay sa imbestigas­yon, binaril at napatay dakong alas-4:05 ng madaling-araw si Christine ay sakay ng isang pampasaherong jeep (PUZ-579) na may biyaheng Blumentrit na mi­namaneho ni Domingo Yuson.

Pagdating sa kanto ng Jose Abad Santos at Rizal Ave., Sta. Cruz, May­nila ay pumara ang mga suspek at nagpanggap na pasahero, subalit hindi pa man nakakalayo ang jeep ay naglabas ng kalibre 45, saka nagdeklara ng holdap at sapilitang kinuha ang cash at pera ng ilang pasahero.

Pumalag ang biktima at tumangging ibigay ang hinihingi ng holdaper kaya’t binaril ito sa mukha.

Kasabay nito hiniling din ni Mang Jessie na imbestigahan ang Universal Funeral Homes sa Avenida Rizal dahil hubo’t hubad ang kanyang anak nang ma­kita nila ito sa nasa­bing punerarya. – Doris Fran­che-Borja, Ludy Bermudo –

 

 

Show comments