21 pinoy peacekeepers dinukot ng syrian rebels

MANILA, Philippines - Tinatayang 21sunda­long Pinoy na kinabi­bi­langan ng isang Army Major at 2 Captain na nag­sisilbing United Nations (UN) peacekeepers sa Golan Heights ang dinukot ng mga Syrian rebels matapos harangin ang apat na behikulong convoy ng tinatayang nasa 30 armadong Syrian rebels sa hangganan ng Syria at Israel noong Miyerkules ng gabi at puwersahang binihag.

Kinumpirma ito ni AFP Public Affairs Office (AFP) Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., ang pagdukot sa 21 Pinoy peacekeepers na pinamumunuan ng isang Army Major na naganap dakong alas-6 ng gabi (alas -12 ng tanghali sa Pilipinas)

Sa kasalukuyan ay pa­tuloy ang isinasagawang negosasyon ng United Nations para sa ligtas na pagpapalaya sa 21 sunda­long Pinoy.

Sa isang video na ipi­­nadala naman ng spo­kesman ng Syrian rebels, sinabi nito na palalayain lamang ang mga bihag na sundalong Pinoy ng UN troops kapag umatras na ang tropa ni Syrian President Bashar  Afez Al-Assad doon.

Ayon kay Burgos base sa pakikipagtalastasan nito sa UN Disengagement Observers Force (UNDOF), tri­natrato naman nang ma­ayos ang mga bihag na sun­­dalong Pinoy.

Sinabi ni Burgos na ang mga binihag na AFP peacekeeping contingent doon ay ang ika-6th Philippine Contingent to Golan Heights na binubuo ng 332 tropang Pinoy na kinabibilangan ng 45 opisyal, 3 babaeng opisyal, 275 enlisted personel  at sampung EWAC (Enlisted Women’s Auxiliary Corps) na pinamumunuan ni Lt. Col. Nolie Anquillano na  umalis sa bansa ng tatlong batch noong Nobyembre ng nakalipas na taon.

Ang UN peacekeeping forces na kinabibilangan ng AFP contingent ay nagsisilbing tagapamayapa sa ceasefire sa pagitan ng Syria at Israel na inoobserbahan simula pa noong 1974.

Kabilang naman sa demand ng Syrian rebels, ayon pa kay Burgos ay ang re-positioning ng UN peacekeeping force doon.

Idinagdag pa ni Burgos na kasalukuyan na silang nakikipagnegosasyon sa pamilya ng mga binihag na AFP UN peacekeeping team upang ipaalam ang sinapit ng mga ito  doon.

Tiwala naman ang opisyal na ligtas at mapapalaya sa lalong madaling panahon ang mga Pinoy AFP peacekeeping contingent sa Golan Heights.

Ayon naman kay Fo­reign Affairs Sec. Albert del Rosario, kumikilos ang mga Pinoy observers dala ang UN flag at nagsisilbing international personnel na nagtataglay ng “immunity” tulad ng mga diplomatic agents at personnel na hindi dapat ipasailalim sa anumang interogasyon at kailangang agad na pala­yain at ipasa sa UN o sa mga otoridad. – Joy Cantos, Ellen Fernando –

Show comments