Vice mayoral bet utas sa ambush

MANILA, Philippines - Utas ang isang kandidato sa pagka-bise alkalde sa bayan ng Mobo, Masbate makaraang tambangan at pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng hapon sa nasabing probinsiya.

Ang biktima ay kinilalang si Isagani Lupango, 41, incumbent Barangay Captain sa Brgy. Tugbo, Mobo, Masbate.

Nalagutan ng hininga si Lupango matapos ang walong oras na maisugod sa Masbate Doctors Hospital bunsod ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Ayon sa report na ti­nanggap ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP), si Lupango ay pinagbabaril ng dalawang armadong lalaki sa harap ng Masbate Sports complex, isang sabungan sa Brgy. Tugbo, habang sakay ng kanyang sasak­yan ganap na alas-5:00 ng hapon noong Sabado.

Sinasabing binabagtas ng biktima ang Barangay Tugbo at papauwi na ito sa kanilang tahanan nang ambusin ng dalawang salarin.

Tinitignan ngayon ng mga awtoridad na moti­bong pulitika ang ugat ng krimen dahil malakas umanong political rivalry sa nasabing bayan ang biktima.

Hindi naman tinukoy ng pulisya kung sino ang mahigpit na makakalaban ng biktima sa pagka-bise alkalde sa nasabing bayan sa darating na halalan.

Patuloy ang follow-up investigation ng awtori­dad sa nasabing insidente upang mabatid  at maaresto ang mga taong responsable sa nasabing krimen.

Samantala umaabot na sa 33 kaso ng Election Related Violence Incidents (ERVIs) ang naitala ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng nalalapit na midterm elections sa darating na Mayo.

Show comments