Matapos makipag-meet… bading tinodas ng 3 ka-chat

MANILA, Philippines - Pinagtulungang pa­tayin ang isang ba­ding ng tatlong lala­king naging kaibigan nito sa social networking site na facebook kahapon ng madaling-araw sa loob ng bahay nito sa Dagupan City, Pangasinan.

Ang biktima na halos tadtad ng saksak ang buong katawan ay nakilalang si Joey Villanueva, alyas Star Ganda, nasa hustong gulang at beautician ng isang kilalang salon sa Nepo Mall ng lungsod.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-4:00 ng madaling-araw nang matagpuang patay ang biktima sa bahay nito na matatagpuan sa Paras Street, Bunuan District sa lungsod na ito.

Sa salaysay ng mga kapitbahay sa pulisya na bago natagpuang patay ang biktima ay nakarinig sila ng kalabugan na  hindi nila pinansin dahilan sa madalas naman umanong makipag-inuman ang naturang biktima sa kanilang lugar at karaniwan na lamang na nagaganap sa bahay nito.

Ilang  saksi ang nagha­yag sa pulisya na noong Lunes ng gabi ay nakita nila na may tatlong lala­ki na tinatayang nasa 18 hanggang 20-anyos ang kainuman ng biktima na inabot ng hanggang madaling-araw ng Martes.

Sinasabing ang mga suspek ay mga guwapo at mga ka-chat umano ng biktima sa facebook at bukod dito’y ka-textmate rin umano na ipinakikilala pa nitong kaniyang mga nobyo.

Magulong-magulo ang bahay ng biktima nang rumesponde ang pulisya at nawawala ang mga per­­sonal nitong kagamitan tulad ng alahas, hindi pa madeterminang halaga ng pera, cell phone at iba pa.

Kabilang sa anggulong sinisilip ng mga  otoridad sa kaso ay robbery.

 

 

Show comments