87,139 katao apektado ni ‘Crising’

MANILA, Philippines - Iniulat kahapon ng National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC) na nasa mahigit 87,000 katao ang naapektuhan ng masamang panahon sa  malalakas na pag-ulan na dulot ng bagyong Crising sa mga binayo nitong lugar sa Mindanao.

Ayon kay NDRRMC Executive Director Eduardo del Rosario na sa nasabing bilang ay nasa 735 pamilya o katumbas na 3,568 katao ang kinukupkop sa may pitong  evacuation center.

Ang bagyong Crising ay ikinasawi ng biktimang si Francisco Digaynon na nalunod habang tumatawid sa ilog sa New Bataan, Compostela Valley. Habang apat naman ang nasugatan na kinilalang sina Maria Nacua, 20; Dodong Nacua, 8; Anatalio Nacua, 29 at ang sanggol na si Boy Nacua, 9 buwan; pawang taga-bayan ng Sapad, Lanao del Norte.

Iniulat din ang mga pag­baha na umabot sa 1.5 metro sa Barangays Siagao, Patong, San Roque, Poblacion at Baras sa bayan ng San Miguel sa lalawigan ng Surigao del Sur.

Nasa 0.5 metro naman ang dumaloy na pagbaha sa Barangays Anahao Daan, Anahao Bag-o, Bangusad, Layog at Caras-an  ng Tago, Surigao del Sur.

Inaasahan namang lalabas na sa area of responsibi­lity ng Pilipinas ang bagyong Crising ngayong Huwebes.

 

Show comments