Mag-asawa at anak inatado, sinunog ng 2 apo

MANILA, Philippines - Pinatay sa taga ang isang mag-asawang ma­tanda at kanilang anak ng kanilang dalawang apo at pagkatapos ay sinunog pa ang kanilang bangkay sa loob ng bahay naganap kamakalawa sa Purok 16, Upper Damogay, Brgy. Los Angeles, Butuan City.

Ang mga nasawi ay sina Antonio Sacnanas, 87; misis nitong si Ancarnacion, 72  at anak nilang si Reynaldo, 40.

Nagtamo ang mga biktima ng mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan at halos hindi na makilala dahil sa pagsunog sa kanila.

Pinaghahanap naman ang dalawang suspek na apo ng mag-asawa na kinilalang sina Rene at Sepriano Sacnanas kapwa nasa 30-anyos pataas.

Batay sa ulat, bandang alas-12:30 ng tangha­li nitong Martes nang mag­responde ang mga elemento ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Sta­tion 4 ng Butuan City Police sa crime scene ilang oras matapos na ma­diskubre ang krimen ng isa sa mga apo ng mag-asawa na nagtungo sa bahay ng mga ito.

Pinaniniwalaan namang mahigit na isang araw ng patay ang mga bik­tima bago nadiskubre ang krimen.

Ayon sa pulisya natukoy na ang dalawang apo ang mga suspek dahil nitong nakalipas na Peb­rero 17 ay nagpa-blotter ang mag-asawa matapos silang pagtangkaang patayin nito matapos silang barilin, subalit hindi sila tinamaan. 

 

Show comments