Binata sinundo ng tatlong lalaki, natagpuang patay

MANILA, Philippines - Ilang oras lamang ang nakakalipas matapos sunduin ng tatlong kalalakihan ang isang 22-anyos na lalaki sa kanyang bahay ay natagpuan itong patay kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Ang biktima ay nakilalang si Richard Dignos, binata, vendor at residente ng no. 1322 Masinop St., Tondo, na dati na umanong nakulong sa kasong pagnanakaw.

Sa salaysay ng ama ng biktima na si Roberto, 54,dakong alas-9:45 ng gabi nang sunduin ang kanyang anak ng tatlong lalaki at pinagbintangan na nagnakaw ng motorsiklo.

Puwersahan umanong tinangay ang biktima ng mga suspek at ilang oras ang nakalipas ay nakatanggap ng balita ang ama na ang kanyang anak ay natagpuang patay dahil sa mga saksak  sa panulukan ng Velasquez at Capulong St., Tondo, Maynila.

 

Show comments