MANILA, Philippines - Aksidenteng gumuho ang isang bahagi ng minahan ng coal sa Semirara Island, Caluya, Antique na kung saan ay 5 minero ang kumpiramdong nasawi, tatlo ang nasagip habang 13 pa ang na-trap kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat, bandang alas-11:55 ng gabi nang mangyari ang pagguho sa Semirara Coal and MiÂning Corporation sa Brgy. Semirara, Semirara Island, Caluya ng lalawigang ito.
Sa isang press statement na ipinadala ni Mr. George San Pedro, resident manager ng Semirara Coal and Mining Corporation, lima na ang mga bangkay na naiahon mula sa gumuhong bahagi ng minahan bagaman di pa tinukoy ang pangalan ng mga nasawi.
Base sa inisyal na imbestigasyon gumuho ang pader sa kanlurang bahagi ng Panian pit ng minahan sanhi ng mga paglambot ng lupa dulot ng mga pag-ulan sa lugar.
Kinilala naman ang mga nasagip na sina Marjun Catoto, Adrian Celmar at Leonardo Sojor.
Samantalang patuloy namang pinaghahanap ang mga nawawala pang biktima na kinabibilaÂngan nina Leovigilo Porra (foreman), Abner Lim, Joven Hocate, Georgie Bragat, Efren Equiza, Jan Riel Planca, Randy Tamparong, Richard Padenilla, at Junjie Gomez.
Ang nasabing minahan ang pinakamalaking prodyuser ng ‘sub-bituminous coal’ sa Pilipinas. Nabatid na dalawa sa mga nailigtas na biktima ay ginagamot na sa Semirara Hospital at ang isa pa ay isinakay sa eroplano patungong Metro Manila.
Patuloy naman ang isinasagawang search and rescue operations sa mga na-trap at nawawalang minero sa nasabing minahan.