Bahay ng vice mayor nasamsaman ng mga baril at bala
MANILA, Philippines - Nakasamsam ang mga otoridad ng sari-saring mga baril at bala nang salakayin ang bahay isang bise alkalde ng Pantao Ragat, Lanao del Norte nitong Miyerkules ng madaling-araw alinsunod sa pinalakas na kampanya ng PNP laban sa loose firearms kaugnay ng gaganaping midterm elections sa Mayo ng taong ito.
Batay sa report ni Chief Supt. Catalino Rodriguez Jr., Acting Director ng Police Regional Office (PRO) 10, bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang lusubin ng mga elemento ng Police Regional Office (PRO), Special Action Force (SAF), Intelligence Group at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 10 ang tahanan ni Pantao Ragat Vice Mayor Lacson Mangotara Lantud sa Brgy. Poblacion ng bayang ito sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Executive Judge Mario de la Cruz jr ng Branch 22, National Capital Region Judicial Branch Manila.
Gayunman, wala ang bise alkalde nang isagawa ang raid kung saan ang misis nitong si Pantao Ragat Mayor Eleanor Dimaporo Lantud ang tumanggap ng search warrant na sinaksihan ng mga opisyal ng barangay.
Nasamsam sa operasÂyon ang isang M60 machine gun, isang BAR, anim na piraso M203 grenade launchers, dalawang M79 grenade launchers, siyam na M14 rifles, dalawang piraso ng M16 rifles, 14 garand rifles, anim na maiikling mga armas at sari-saring mga bala.
- Latest