Trak vs trak: 1 patay

MANILA, Philippines - Dalawang trak ang nagsalpukan na ikinasawi ng driver, habang dalawa ang sugatan naganap kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Ang nasawi ay kinilalang si Jorge dela Cruz, 28, driver ng Izusu truck (RFM-226) at residente ng Nueva Ecija. Habang nasugatan ang dalawang helper na sina Arfie Yabut, 18, at JR Enriquez, 18, pawang taga Pampanga.

Batay sa ulat, alas-4:15 ng madaling-araw nang maganap ang aksidente sa may C. P. Garcia St. malapit sa Maginhawa St., Barangay U.P. Campus.

Bago ito ay mabilis na tinatahak ng trak ni Dela Cruz ang kahabaan ng C.P. Garcia patungong University Avenue.

Dahil sa madulas ang kalsada dulot nang pag-ambon ay nawalan ng control sa manibela ang biktima sa pakurbada na pababa.

Dahil dito ang truck ni Dela Cruz ay pumakabilang linya  at nasalpok ang  minamanehong truck ni Armando Macapagal, 46. Sa lakas ng impact ay naipit sa driver’s seat si Dela Cruz na naging sanhi ng kanyang kamatayan. 

Subalit, ayon sa pulisya kung hindi naharang ng trak ni Macapagal ang trak ng biktima ay posibleng nagtuloy-tuloy ito sa may hanay ng mga bahay na maaaring makapinsala pa ng ilang mga residente.

Show comments