MANILA, Philippines - Bumulagta ang isang 25-taong gulang na miyembro ng Batang City Jail (BCJ) nang barilin ito ng kanyang nakaaway sa Quiapo, Maynila, kahapon ng umaga.
Ang biktima ay nakilalang si Deomavic Lagrimas, residente ng Basan St., Quaipo, Maynila.
Si Lagrimas ay sinasabing miyembro ng BCJ at isang kilabot na snatcher na matagal nang labas-masok sa kulungan dahil sa mga kasong robbery at snatching.
Hindi pa nakikilala ang salarin ni Lagrimas na mabilis na tumakas matapos ang krimen sakay ng isang motorsiklo.
Sa ulat ni SPO2 Jonathan Bautista, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat ng Mamon Luk Restaurant, sa Quezon Boulevard, Quiapo, Maynila.
May nakakita sa bikima na nakikipag-away at nang maglakad na papalayo ay sinundan siya ng suspek na sakay ng motorsiklo.
Dinikitan umano ng suspek ang biktima at pinagbabaril sa ibat-ibang bahagi ng katawan bago mabilis na tumakas.