2 drug pusher binaril sa ulo

MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na umano ay drug pusher ang natagpuang patay na nakasubsob sa kanal matapos na barilin sa ulo kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Isa sa biktima ay nakuhanan sa kanyang katawan ng isang postal ID na may pangalang Simon Berioso Jr., may taas na 5’4”; tubong Ozamis City, Misamis Occidental at nakatira sa 1st., Avenue  Beverly Hills, Antipolo City. Narekober din ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, 2 USSC Visa Card at Shopwise card na may pangalang “Simon Berioso Jr”.

Ang ikalawang biktima na walang nakuha na pagkakakilanlan ay inilarawan na nasa pagitan ng edad na 30 hanggang 35, nakasuot ng  checkered na pang-itaas, nakamaong pants at nakasuot ng tsinelas.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:25 ng gabi  nang matagpuan ang dalawang biktima  sa pagitan ng Building 14 at 18, Temporary Housing, Vitas,  Tondo,  Maynila.

Ayon sa isang alyas Jhing, nagbabantay siya sa kanyang tindahan at habang may bumibili ng alak ay nakarinig siya ng magkasunod na putok ng baril.

Kaya’t lumabas ito upang puntahan ang pinanggalingan ng putok  at dito ay nakita niya ang dalawang biktima na  kapwa nakasubsob sa  kanal at duguan ang mga ulo.

 

Show comments