Mag-ina ginulpi ng lover

MANILA, Philippines - Isang mag-ina ang kapwa nilalapatan ng lunas sa San Juan De Dios Hospital matapos na sila ay walang-awang  gulpihin ng live-in partner dahil sa matinding selos kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

 Ang mga biktima ay kinilalang sina Marissa Viceno at ang 11-anyos na anak nitong dalagita na itinago sa pangalan Menchie.

Naaresto naman agad ang suspek na si John Paul Hernandez, 26, residente ng 1926 Tramo St., Pasay City.

Batay sa ulat, dakong alas-8:00 ng gabi ay sakay  ng kotseng may plakang ZJC-499 ang mga biktima na minamaneho ng biktima at binabagtas ang kahabaan ng Macapagal Boulevard ng naturang lungsod.

Dito ay inungkat umano ng suspek ang naririnig nitong tsismis na may ibang lalaki ang live-in partner na dahilan para ang mga ito ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Sa galit ng babae ay ipinahinto nito ang sasakyan malapit sa Barangay Don Galo at nagpilit na bumaba, kasama ang dalagitang anak.

Bumaba rin ang lalaki sa sasakyan at kinaladkad ang mag-ina patungo sa isang malaking manhole at dito sila halinhinang binugbog.

 Nagawa namang makatakas ng ginang at kaagad nakahingi ng tulong sa mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 3 na hindi kalayuan sa naturang lugar.

 Sa pagresponde ng  mga pulis ay inabutan pa nila sa loob ng manhole ang suspek habang bihag ang dalagitang anak ng kinakasama.

 

Show comments