Sa loob ng subdivision... Beybi, yaya kinidnap

MANILA, Philippines - Isang Filipino-Canadian na sanggol at yaya nito ang kinidnap ng mga armadong kalalakihan sa loob ng kanilang subdivision sa Pagadian City, Zamboanga del Sur kahapon ng umaga.

Kinilala ni Supt. Julius Muñez, hepe ng Pagadian City Police ang mga biktima na sina Timothy Sokolob, 1-anyos, anak ng isang Pinay at mister nitong Canadian. Habang ang yaya ng sanggol ay nakilala namang si Caroline Remetre.

Batay sa ulat, bandang alas-6:30 ng umaga ay pinalalakad ng yaya ang kanyang alaga sa bisinidad ng Rosario Homes, Dao, Pagadian City nang biglang may sumulpot na sasakay na kinalululanan ng mga suspek.

Isa sa mga suspek ang bumaba sa behikulo at  bigla na lamang sinunggaban ang magyaya at puwersahang isinakay sa kanilang sasakyan at mabilis na sumibat.

Tumanggi naman ang opisyal na ibigay ang deskripsyon ng getaway vehicle ng mga kidnapper kaugnay ng isinasagawa nilang follow-up operations sa kasong  ito.

Kinumpirma naman ni Muñez  na ilang oras matapos ang insidente ay tumawag na ang mga kidnappers sa pamilya ng sanggol na humihingi ng P 50-M ransom kapalit ng kalayaan ng mga biktima.

Ayaw din munang ibigay ni Muñez ang detalye sa mga pinaghihinalaang nasa likod ng kidnapping dahilan patuloy pa ang kanilang pagsisiyasat sa natu-rang kaso at hot pursuit operations upang ligtas na mabawi ang sanggol at yaya nito.

 

Show comments