MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., na namemiligrong masampahan ng kasong administratibo ang mga opisyal at tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa district jail ng Lucena City, Quezon matapos na hindi makasunod sa ‘standard operating procedure’ nang matagpuang patay na sa loob ng kulungan ang suspek na si Dennis Aranas na tumatayong witness sa pagpatay sa brodkaster na si Gerardoâ€Doc Gerry†Ortega.
Nabatid na si Aranas ang sinasabing lookout sa ambush-slay kay Ortega na pinagbabaril sa Puerto Princesa City noong Enero 2011.
Dapat anyang magpaliwanag ang mga opisyal at tauhan ng Quezon District Jail na matatagpuan sa Brgy. 10, Lucena City matapos na hindi agad i-report sa PNP ang pagkamatay ni Aranas na umano’y nag-suicide sa selda.
Noong Martes dakong alas-10 ng umaga ay nadiskubre ng mga jailguard ang pagpapatiwakal umano ni Aranas na nagbigti sa loob ng kaniyang selda gamit ang strap ng shoulder bag pero naireport lamang ang insidente sa pulisya bandang alas-5:00 ng hapon ng nasabing araw matapos na magreklamo ang pamilya ng naturang bilanggo.
Nang puntahan ng mga pulis ang bilangguan ay wala na ang bangkay ni Aranas na dinala na sa morgue at bukod dito ay nilinis na ang selda nito kung saan diumano’y nagpatiwakal ito.
Nabatid na nagdududa ang pamilya ni Aranas sa posibleng anggulo ng foul play sa pagkamatay nito kaya nagreklamo sa pulisya.
Sa kasalukuyan ay isinasailalim na sa otopsiya ang bangkay ni Aranas upang matukoy kung positibong nagkaroon ng foul play.
Kinukunan na rin ng pahayag ng mga imbestigador ang mga kasamahang inmate ni Aranas at mga jaiguards na naka-duty ng maganap ang insidente.