MANILA, Philippines -Naging unanimous ang pag-apruba ng Labor Committee ng Kamara sa House Bill 375 na nagtatakda ng P125 legislated wage hike.
Si Benguet Rep. Ronald Cosalan, vice chairman ng komite ang nagmosyon para aprubahan ang panukala at pumayag naman dito ang mismong principal author na si Anakpawis Rep. Rafael Mariano.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na nakalusot sa komite ng Kamara ang 125 wage hike bill, subalit wala ng panahon para pagtibayin pa ito ng tuluyan ng Mababang Kapulungan.
Dahil huling araw na ng session kahapon dahil sa session break na ng Kamara ay hindi na ito natalakay pa sa plenaryo at posibleng matalakay na lamang ito sa muling pagbabalik ng Kongreso sa Hunyo 3.
Giit naman ni Act Teacher party list Rep. Antonio Tinio maliit pa rin ang tsansa na maisalang ito sa plenaryo dahil ilang araw na lamang ang nalalabi ng session at muling mag babakasyon ang kongreso ng session sa Hulyo para sa 16th Congress.
Nilinaw pa ng mambabatas na maaari lamang itong maipasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob ng isang araw na sesyon kung sesertipikahan ito ng pangulo bilang urgent.