MANILA, Philippines -Nababahala ang pamilya sa kaso ng pagpatay sa brodkaster sa Palawan na si Doc Gerry Ortega dahil sa pagkamatay ng isa pang testigo sa nasabing krimen.
Ito’y matapos matagpuang nakabigti at patay na ang testigo na si Dennis Aranas sa loob ng kanyang selda sa Quezon District Jail kahapon.
Sinabi ni Mica Ortega, anak ni Doc Gerry, na nababahala sila na humina ang isinampa nilang kaso gaya ng nangyayari sa paglilitis sa Maguindanao Massacre case na naapektuhan ang pag-usad ng hustisya dahil sa pagkamatay ng mga testigo.
Si Aranas, na nagsilbing look out sa pagpatay kay Doc Ortega, ang nagpatotoo sa ilang mga testimonya at ebidensya na nagpapatunay na direktang may kaugnayan sa krimen si dating Palawan Governor Joel Reyes.
Ayon pa kay Mica na kasalukuyan na silang kumakalap ng pondo para maisailalim ang bangkay ni Aranas sa otopsiya lalo pa’t hindi naniniwala ang asawa nito na nagpatiwakal noong Martes ng alas-10:00 ng umaga.
Humiling din kasi aniya ng tulong ang pamilya ni Aranas dahil hindi nila kayang saluhin ang gastusin para sa pagpapa-autopsy.
Samantala, ipinag-utos na kahapon ni CALABARZON Regional Director P/Chief Supt. Benito Estipona ang imbestigasyon sa pagpapatiwakal ni Aranas dahil sa kadudaÂdang pangyayari.
Sinabi ng opisyal na ng magtungo sila sa Bureau of Jail Management ay wala na ang bangkay ni Aranas na dinala na sa morgue at nalinisan na rin umano ang crime scene.
Si Aranas ang ikalawang testigo sa kaso ni Doc Gerry Ortega na namatay, una rito ay si Val Lecias na binawian ng buhay noong nakalipas na taon dahil sa sakit sa atay.