MANILA, Philippines -Dinakip ng mga pulis ang mayor ng Agno, Pangasinan at dalawa nitong bodyguard kaugnay ng kasong illegal possession of firearms sa isinagawang raid sa bahay ng mga ito kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga suspek na sina Agno, Pangasinan Mayor Jose Pajeta Jr, mga bodyguards nitong sina Ruperto Batalla, 43 at Wilson Nivera, nasa hustong gulang.
Batay sa ulat, dakong alas-5:00 ng umaga nang salakayin ng mga elemento ng Regional Special Operation Task Group (RSOG) Pangasinan batay sa search warrant na inisyu ni Tayug Pangasinan Judge Emma Ines-Parajas ang bahay ng alkalde at dalawa nitong bodyguards.
Unang sinalakay ang bahay ni Mayor Pajeta sa Brgy. Poblacion East at dito ay nakumpiska ang armalite rifle, 250 piraso ng bala ng M16, 18 piraso ng bala ng M14 rifle, sampung piraso ng mahabang magazine para sa M16 armalite rifle at limang piraso ng maikling magazine para sa M16 rifle.
Nakuha naman sa bahay ni Batalla ang isang caliber 9mm pistol, 22 piraso ng bala ng 9 mm pistol; tatlong piraso ng bala ng caliber 45 pistol, 6 na piraso ng bala ng caliber 38 at isang magazine para sa cal 9 mm nakumpiska naman sa bahay ni Nivera ang isang cal 45 pistol, 14 piraso ng bala ng cal 30 , 12 piraso ng bala ng 12- gauges shotgun; 20 piraso ng bala ng M16 rifle; 7 piraso ng bala ng cal 38 caliber pistol; 2 piraso ng cal 45; 16 piraso ng bala ng carbine; isang magazine para sa M16 at 16 piraso ng bala ng cal 45 pistol.
Ang mga naaresto ay nakatakdang kasuhan ng illegal possession of firearms.