3-anyos natupok sa sunog

MANILA, Philippines - Nagmistulang uling ang isang 3-anyos na batang babae matapos na ito ay matupok nang hindi makalabas sa nasusunog nilang bahay kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.

Nakilala ang biktima na si Shandara Araos, ng West Kabulusan A, West Service Road, Brgy. Cupang ng lungsog, habang nasugatan naman sina Riza Compania, Rodrigo Sua, at Michael Arcel, na nagtamo ng paso sa katawan.

Batay sa ulat, dakong alas-2:42 kamakalawa ng hapon nang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay ng biktima.

Ayon kay Alvin, ama ng nasawing bata, big­la na lamang nagliyab ang kisame ng ikalawang palapag nilang bahay at mabilis na kumalat sa buong kabahayan.  

Hindi na umano niya nailigtas ang anak na natutulog sa ikalawang palapag dahil sa biglaang paglaki ng apoy.

Mabilis din nilamon ng apoy ang iba pang bahay sa lugar na pawang yari lamang sa light materials.  

Idineklarang fireout ang sunog dakong alas-4:10 ng hapon at umabot sa unang alarma.

Narekober ang sunog na bangkay ng paslit nang magsagawa ng mopping operation ang mga bumbero.

Tinatayang nasa 100 pamilya ang nawalan ng bahay sa naturang sunog na pansamantalang titira sa covered court ng barangay na ginawang evacuation area.

 

Show comments