9 pa sinuspinde … 2 PNP general sinibak ng Ombudsman sa anomalya ng rubber boats

MANILA, Philippines - Dalawang heneral ng  Philippine National Police (PNP) ang sinibak sa trabaho habang 9 ang sinuspinde matapos na mapatunayan ng Office of the Ombudsman na nagkasala sa umano’y maanomalyang pagbili ng 75 depektibong rubber boats na nagkakahalaga  ng P131.5 milyon  kasunod ng bagyong Ondoy at Pepeng noong 2008.

Sa 118 pahina na de­sisyon na nilagdaan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na   napatunayang nagkasala sina Chief Supt. Herold Ubal­de at Deputy Director General Benjamin Belarmino, Jr. sa kasong  gross neglect of duty at grave misconduct at hindi rin makakatanggap ng retirement benefits at pagkadiskwalipika na humawak ng alinmang puwesto sa gobyerno.

Sinuspinde naman ng anim na buwan  sina  Police Dir. George Piano, Chief Supt. Luis Sali­gumba, Senior Supt. Job Nolan Antonio at Senior Supt. Edgar Pa­atan,  pawang miyembro ng  PNP’s Inspection and Acceptance Committee matapos mapatunayang nagpabaya sa tungkulin kaugnay ng naturang isyu.

Isang buwan namang suspendido at walang sahod sina  Joel CL Garcia alyas Joel Crisostomo De Leon Garcia, Ronald Lee, Ma. Linda Padojinog, at NUP Ruben Gongona, pawang miyembro ng  PNP National Headquarters Bids and Awards Committee and Technical Working Group.

Ang kaso ay nag- ugat sa reklamo noong Nobyembre 15, 2011 at Pebrero 17, 2012 na naisampa ng tanggapan ng  Deputy Ombudsman for the Military and Other Law Enforcement Offi­ces’ Fact-Finding Bureau (FFIB-MOLEO).

Lumabas sa records na ang  PNP ay bumili ng 75 rubber boats at 18 spare engines o outboard motors para gamitin ng PNP Maritime Group bilang bahagi ng PNP’s Annual Procurement Plan noong  2008 sa ilalim ng  Capability Enhancement Program Funds, pero nang mai­deliver ang naturang mga equipments, ay nadiskubre ng  PNP Maritime Group’s Technical Inspection Committee on Watercrafts na depektibo  ang mga  equipments at delikadong gamitin bukod sa ang iba ay di gumagana.

 

Show comments