TV5 cameraman pinagbabaril

MANILA, Philippines - Isang cameraman ng TV5 ang malubhang nasugatan nang pagbabarilin ng dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo kahapon ng madaling-araw sa Marikina City.

Ang biktima ay kinilalang si Roberto Calanda, 52-anyo, residente ng MH Del Pilar St., Brgy. Calumpang, ng naturang lungsod. Hindi pa kilala ang dalawang suspek na tumakas sakay ng kanilang motorsiklo.

Batay sa ulat, dakong alas-3:00 ng madaling-araw ay naglalakad ang  biktima sa may JP Rizal St., pauwi sa kanilang bahay nang ito ay pagbabarilin at  tinamaan ito sa  hita at balikat.

Nakahingi naman ng saklolo ang biktima sa isang police mobile patrol na sandaling hu­mabol sa mga suspek na hindi naabutan.  

Agad na isinugod na lamang ng mga pulis ang biktima sa pagamutan kaya naagapan ang posibleng pagkaubos ng dugo nito.

Show comments