Kontrata ng CP kanselahin - AGAP

MANILA, Philippines - Hihilingin ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist Rep. Nicanor ‘Nick’ Briones sa Korte Suprema na kanselahin ang kontrata ng kumpanyang Chareon Pokphand (CP) ng Thailand.

Sinabi ni Briones, isang multi-bilyong company ang CP, pero nakapagtatakang binigyan pa ito ng 6-year tax holiday o tax free ng gobyerno partikular ang Bureau of Investment (BOI).

Ayon kay Briones, hindi man lamang kinonsulta ng BOI ang mga stakeholders sa livestock at poultry industry ma­ging ang Department of Agriculture (DA) bago pahintulutan makapagnegosyo sa bansa ang CP of Thailand.

Giit ni Briones, sa halip na tulungan ng pa­mahalaan ang mga Pinoy na namumuhunan sa bansa partikular ang libu-libong magsasaka, magbababoy, magmamanok at mangingisda, ay pinapatay pa ng gobyerno ang mga ito dahil ang pinapaboran ng BOI ay ang dayuhang kumpanya.

Nagsagawa na ng imbestigasyon ang dalawang komite sa Kamara partikular ang Committee on Agriculture and Food at Committee on Food Security at ang kanilang naging desisyon ay kanselahin ang kontrata ng CP.

Nakatakda na rin mag-file ng motion sa Supreme Court ang AGAP na humihiling ng Temporary Restraining Order (TRO) sa operasyon ng CP habang ang grupo ng United Broiler Raiser Association (UMBRA) ay nakatakdang mag-file ng demanda sa ombudsman laban kay Lucila Reyes, executive director ng BOI na sinasabing nagbigay at nag-apruba ng kontrata ng kumpanyang CP.

Nagpadala na rin ng sulat ang AGAP sa Pa­ngulong Benigno Aquino III na umaapila na pigilan ang operasyon ng CP sa bansa.

 

Show comments