Mega job fair sa Caloocan

MANILA, Philippines - Magdaraos ng mega job fair sa Caloocan City sa darating na February 19 na bahagi ng ika-51 taong pagkakatatag ng siyudad.

Sinabi ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri, tiyak na maraming residente sa lungsod ang makikinabang at mabibigyan ng hanapbuhay sa nasabing mega job fair.

Ayon kay Echiverri, ang mega job fair ay isasagawa sa harapan ng city hall main na matatagpuan sa A. Mabini St., na  sisimulan dakong alas-8:00 ng umaga hanggang alas- 4:00 ng hapon.

Sa darating namang February 27 (Miyerkules) ay magkakaroon din ng mega job fair sa city hall annex na matatagpuan sa Zapote Road, Camarin II na sisimulan at matatapos din sa parehas na oras.

Kaugnay nito, nagpasalamat si Echiverri sa mga tumulong upang magkaroon ng kaganapan ang proyektong ito na kinabibilangan ng tanggapan ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri, Labor and Industrial Relations Office-Public Employment Services Office (LIRO-PESO), Department of Labor and Employment (DOLE-CAMANAVA) at Philippine Overseas Employment Agency (POEA).

Kabilang sa mga bakanteng posisyon na kakaila­nganin sa mega job fair ay ang accountant; secretary; sales clerk; welder; waiter/waitress; cook; janitor/janitress; engineer; encoder; bagger; machine operator; service crew; kitchen staff; call center agent; graphic artist; promodizer; automotive mechanic, stockman, factory worker, driver at domestic helper.

Kabilang din sa mga nakalinyang programa ng lungsod sa anibersaryo ng Caloocan City ay ang motorcade, Kasalang Bayan, Bb. Caloocan at marami pang iba na inaasahang kinasasabikan ng mga residente.

 

Show comments