Lolo inatake ng sakit sa loob ng jeep, patay

MANILA, Philippines - Patay ang isang 70-taong gulang na lolo makaraang atakihin ng hindi malamang sakit habang sakay siya ng isang pampasaherong jeep sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang senior citizen ID na si Silverio Benigno naninirahan sa San Isidro Megarao, Camarines Sur.

Sa ulat ng pulisya, alas-5:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa harap ng ABF computer school na matatagpuan sa Aurora Blvd., Brgy. Soccoro, Cubao.

Lumilitaw na sakay ang biktima ng isang pampasaherong jeepney patungong Parang Marikina nang umano’y atakihin ito at mawalan ng malay.

Gayunman, ang dri­ver ng nasabing jeepney, sa halip na dalhin sa ospital ang biktima, ibi­naba niya ito sa kanyang sasakyan saka iniwan sa bangketa.

Sinasabing ang insidente ay agad na ipinagbigay alam ng ilang saksi sa CIDU na agad namang rumesponde sa akalang patay na ito.

Pero pagdating ng mga awtoridad sa lugar ay humihinga pa ang biktima kung kaya isinugod nila ito sa Quirino Memorial Medical Center pero idineklara din itong  dead on arrival.

Sa kasalukuyan, hindi mabatid ng awtoridad ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng biktima dahil wala namang nakitang external injuries sa katawan nito. Habang inaalam din ang pagkakakilanlan ng driver na nag-abandona sa biktima.

Show comments