MANILA, Philippines - Tinupok ng apoy ang may 200 bahay sa mahigit apat na oras na sunog na naganap sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Ganap na alas-6:40 ng gabi nang mag-umpisang sumiklab ang apoy sa isang bahay sa Merville Access Road, Kalayaan sa lungsod.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga karatig bahay na pawang yari sa light materials.
Nahirapan ang mga pamatay-sunog na apulain ang apoy dahil sa masisikip na eskinita sa kinaganapan ng sunog. Umabot sa ikalimang alarma ang sunog na naapula ganap na alas-10:17 ng gabi.
Wala namang nasawi pero isang Efren Mendoza na residente ng lugar ang isinugod sa pagamutan makaraang masugatan sa naganap na sunog at tinatayang 300 pamilya ang nawalan ng tahanan.