Hostage taker napatay

MANILA, Philippines - Isang desperadong sekyu ang nabaril at napatay ng mga pulis matapos nitong i-hostage ang isang kabaro na kanyang kina­iinggitan sa trabaho naganap kamakalawa sa Catbalogan City, Samar.

Ang napatay na hostage taker ay nakilalang si Pat­rocinio Dabucol nang mabaril ng nagrespondeng mga pulis matapos na manlaban at magpaulan ng pu­tok.

Batay sa ulat, bandang ala-1:00 ng hapon nang i-hostage ni Dabucol ang ka­baro na kinilalang si  Matic na umano’y nakaaway nito sa tanggapan ng SSS sa lungsod.

Nagpanik naman ang mga empleyado ng SSS matapos na magsimulang magpaputok ng baril si Dabucol at nagresponde naman ang mga operatiba ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team at mga operatiba ng Catbalogan City Police upang iligtas ang hostage na si Matic.

 Tumanggi si Da­bucol na pakawalan ang hostage na si Matic kaya’t napilitan ang mga otoridad na pasukin na ang suspek nang mabigo ang negosas­yon.

Lumilitaw naman sa imbestigasyon na ang alitan at inggitan sa trabaho sa pagitan nina Dabucol at Matic ang motibo ng pang­ho-hostage ng una.

 

 

Show comments