MANILA, Philippines - Nabunyag na may sindikato na kumikilos sa loob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa mabilisang pagre-release ng hospital guarantee na may katumbas na malaking halaga matapos na madakip ang isang 34-anyos na lalaki na nagsisilbing fixer sa pagkuha ng financial support ng mga nangangailangang pasyente.
Ang suspek ay nakilalang si Bienvenido Artano, residente ng Quezon City na dinakip ng mga tauhan ng intelligence security ng PCSO matapos ireklamo ng isang babae hindi muna pinangalanan.
Nabatid na ang suspek ang nagprisinta na tutulong sa proÂseso ng mga papeles na rekisitos sa paghingi ng financial/medical support sa PCSO at ilalapit umano sa tauhan ng ahensiya.
Tinakot umano ang biktima ng suspek na hindi lalabas ang pera hangga’t di naibibigay ang 40 porsyento bilang komisyon o may katumbas na P40,000.
Kung hindi umano magbibigay ay maaring mabalewala ang inisyung letter of guarantee, na dahilan para hindi makuha ang claim.
Iimbestigahan din ng pulisya ang isang Genesis Madrid, social worker ng PCSO, na sinasabing nakasabwat ng suspek, dahil naÂgagawan umano ng paraan nito na mailabas ang hospital guarantee na iniisyu ng PCSO na may halagang P100,000 sa loob lamang ng isang araw.
Ayon sa PCSO ay hanggang P75,000 lamang ang sagad na halaga na nailalabas, at umaabot pa hanggang isang linggo ang pagproseso.