Sundalo at pulis kinidnap sa NPA checkpoint

MANILA, Philippines - Isang sundalo at isang pulis ang dinukot ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa isinagawang checkpoint ng mga rebelde kamakalawa sa bayan ng Laak, Compostela Valley.

Ang mga binihag ay nakilalang sina PFC Jezreel Culango, nakatalaga sa isang unit ng militar sa bayan ng San Isidro, Davao del Norte at si PO1 Ruel Pasion, miyembro ng San Isidro Municipal Police Station (MPS).

Batay sa ulat, dakong alas-9:00 ng umaga nang mangyari ang pagdukot sa mga biktima matapos na magsagawa ng checkpoint ang mga rebelde sa highway ng Sitio Mangob, Brgy. Imelda sa bayan ng Laak.

Ayon kay Major Jacob Thaddeus Obligado, Commander ng Army’s 10th Civil Military Ope­rations Battalion, nagtungo sa lugar si Culango para bisitahin sana ang kaniyang nobya sa Brgy. Mang­loy ng bayang ito nang tutukan ng baril at bihagin ng mga rebelde.Nagkataon namang napadaan rin sa lugar si  Pasion kaya binihag rin ito.

Ang dalawang bihag ay tinangay ng mga rebelde patungo sa hila­gang direksyon ng kabundukang bahagi ng Sitio Tugpahan, Brgy. Imelda ng bayang ito.

Bumuo na ng Crisis Management Committee (CMC) sa pamumuno ng mga lokal na opisyal sa lalawigan para sa ligtas na pagpapalaya sa dalawang bihag.

 

Show comments