Mga buto ng tao nahukay sa bakuran ni Bae

MANILA, Philippines - Apat na pirasong buto ng parte ng katawan ng tao ang nahukay ng mga otori­dad sa bakuran ng bahay nang nag-amok at napatay sa Kawit, Cavite na si Ronald Bae.

Sa report ng pulisya, ganap na alas-8:30 ng umaga sa ikatatlong araw na paghuhukay ng grupo ng CIDG sa pangunguna ni P/Chief I Reynaldo Magdaluyo at Engr. Melchor Arellano na umabot sa dalawang metrong lalim at halos apat na  metro ang luwang ng kanilang nahuhukay ay bumulaga sa kanila ang ilang piraso ng mga buto mula sa tao.       

Kinumpirma naman ni Kawit Municipal Health Officer Dr. Edgardo Figue­roa na buto ng tao ang mga nahukay na nakatakdang isailalim sa DNA testing para sa posibleng pagkaka­kilanlan ng  mga ito.

Matatandaan na bago isagawa ang paghuhukay ay lumutang na si Bae rin ang itinurong suspek sa pag­­kawala ng dalawang ka­tao na nakilalang sina Teodoro Villanueva at isang alias Tomas na pawang mga kaibigan nito.

Ang dalawang biktima ay iniulat na nawala matapos itong sunduin ng 3 kala­lakihan sa kani-kanilang bahay noong 2003 sa utos ni Bae, at simula noon ay hindi na natagpuan ang mga ito.

Ikinanta ng isa pang suspek sa Kawit masaker na si John Paul Lopez na isang nagngangalang Berto Caimol ang umano’y pumatay at nag­baon sa dalawang biktima.

Show comments