MANILA, Philippines - Kaugnay ng pagkakapatay sa isang tauhan ng pinaghihinalaang jueteng kingpin na si Vic Siman sa isang shootout sa San Juan, Batangas kamakalawa ay sinibak na kahapon ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas II ang police general na hepe ng CALABARZON Police, apat pang opisyal at mahigit 20 operatiba ng pulisya.
Sinabi ni Roxas na nawalan na ng tiwala si Pangulong Aquino kay Police Regional Office (PRO) IV-A Chief Supt. James Melad dahilan sa malalaking insidente na magkakasunod na naganap sa hurisdiksyon nito kaya sinibak sa puwesto.
Bukod kay Melad, kabilang pa sa mga sinibak ay sina Batangas Provincial Police Office (PPO ) Supt. Rosario Acio, SWAT team leader Supt. Raul Tacaca, Chief Inspector Rodolfo Ama, Chief ng Provincial Public Safety Company (PPSC) at San Juan Chief Supt. Elpidio Ramirez.
Iniutos na rin ni Roxas ang masusing imbestigasyon sa pagkamatay ni Fernando Morales alyas Pandoy sa operasyon sa bayan ng San Juan dakong ala-1:30 ng madaÂling araw.
Si Pandoy ay isa sa mga tauhan ni Siman, ang umano’y pinaghihinalaang jueteng kingpin na kabilang sa 13 kataong napatay sa kuwestiyonaÂbleng shootout na umano’y rubout sa checkpoint sa Maharlika highway, Brgy.Lumutan, Atimonan, QueÂzon noong Enero 6.
Nabatid na si Pandoy ay kolektor ni Siman sa illegal nitong operasyon ng bookies sa Calamba City at iba pang lugar sa Laguna na ang bolahan ay ginagawa sa Mt. Banahaw.
Ayon pa kay Roxas na kuwestiyonable ang pagsisilbi ng warrant of arrest sa kasong illegal possession of firearm laban kay Pandoy dahilan isinagawa ito ala-1:30 ng madaling-araw nitong Lunes.
Ayon pa sa kalihim, hindi na-contain ng mga operatiba si Morales na kailangan pang humantong sa kamatayan nito.
Sa pahayag ng misis ni Pandoy, hinila umano palabas ng kanilang bahay ang kaniyang mister at ilang saglit pa ay nakarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril kung saan nagulat na lamang siya nang makitang patay na at duguang nakabulagta ang asawa.
Idinagdag pa ni Roxas na ang pagsibak kay Melad at lahat ng mga opisyal ay kaugnay sa iniutos nitong imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ni Pandoy.
Naghihinala naman ang pamilya Morales na may kinalaman sa Quezon shooting ang pagpatay sa biktima.