P2-M reward sa gunman ni Nicole

MANILA, Philippines - Sinumang makakapagturo sa gunman ni Stephanie Nicole ay makakatanggap ng P2-milyong re­ward.

Ito ang inihayag kaha­pon ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na ang layunin ay mabigyan ng agarang hustisya ang biktimang si Ni­cole.

Naunang nagbigay ng P400,000 bounty sina Caloocan City Mayor Re­com Echeverri at Valenzuela Mayor Sherwin Gatchalian para sa makakapagturo sa gunman ni Nicole.

Inilibing kamakalawa ang 7-year old na si Nicole sa Norzagaray, Bulacan. Tinamaan ng stray bullet sa ulo si Nicole noong Ba­gong Taon sa labas ng kanilang bahay sa Tala, Caloocan City.

Sinabi ni Valte, ginawa ng Pangulo ang pahayag sa kanyang dialogue sa RMN executives sa Pa­lasyo.

Magugunita na nano­nood lamang ng mga fire­works ang biktima sa labas ng kanilang bahay ng tamaan ito ng stray bullet hanggang sa bumagsak itong duguan.

Batay sa pagsisiyasat ng mga forensic expert ay nasa 50 metro ang layo mula kay Nicole ang hindi nakilalang nagpaputok ng baril.

 

Show comments