Sanggol namatay sa ginaw

MANILA, Philippines - Namatay sa ginaw ang isang buwang gulang na sanggol na babae makaraang hindi makumutan ng kan­yang ina habang sila ay natutulog sa gilid ng kal­sada sa Dasmariñas City, Cavite, kahapon ng umaga.

Kinilala ni P/Supt. Ulysses Cruz, hepe ng Das­mariñas police ang biktima na si Princess Barbo, ipinanganak noong Nobyembre 18, 2012.

Ayon kay PO2 Connie Susmerano, may hawak ng kaso, ganap na alas- 7:00 ng umaga ng madiskubre ng ina ng sanggol na si Jennylyn Barbo na patay na pala ang kanyang anak.

Sinasabing walang permanenteng tirahan ang mag-ina na natutulog sa gilid ng kalsada kung saan sila abutan ng gabi.

Ayon sa ina ng sanggol, huli niyang pinadede (breastfeed) ang kanyang anak ganap na ala-1:00 ng madaling bago siya natulog sa gilid ng sementadong kalsada sa tapat ng isang beauty Salon sa Barangay Zone 4, Dasma­riñas City.

Sinabi ng ina ng bata, malamig ang simoy ng hangin bago siya natulog kaya niyakap pa nito ang kanyang anak at dahil wala rin naman silang kumot kaya siya namaluktot hanggang sa makatulog ng mahimbing.

Kinaumagahan ay nakita na lamang ni Jennylyn ang kanyang anak na hindi na ito humihinga, maputla at malamig ang katawan. Agad din namang isinugod sa isang clinic ang bata pero hindi na ito nai­ligtas pa.

Inamin pa ni Jennylyn na wala siyang pera para pambili ng gamit laban sa lamig at umaasa lamang sa pamamalimos para makakain.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng sanggol.

 

Show comments