7 nasawi sa Olongapo hotel fire

MANILA, Philippines -  Pitong katao ang naiulat na nasawi matapos makulong sa nasusunog na hotel sa red-light district ng Olongapo City, Zambales kahapon ng madaling-araw.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina James Brigati; Patrick Burt at Joseph Bular; pawang American national, Korean national na si Kyung Ook Kim, tatlong Pinay na ang isa ay kinilalang si Rebecca Perez habang inaalam pa ang dalawa.

Sa ulat ni Senior Fire Officer 3 Jose Burlagdatan, dakong alas-3:00 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa ga­wing likuran ng Dryden Hotel and Restaurant na matatagpuan sa 138 National Highway, Barangay Barreto sa lungsod na ito.

Nagresponde naman ang mga bumbero at naapula ang sunog pagkatapos ng tatlong oras.

Nabatid na ang nasunog ay isang mini hotel na may mga rehas na barandilya ang mga bintana at makipot rin ang kalsada patungo rito.  Ang sunog ay nagsimula sa ikatlong palapag ng nasabing hotel.

Ang Olongapo City ay isa sa mga pamosong tourist destination at dati ring kinatatayuan ng US military base na isinara noong 1991.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga kagawad ng Crime of the Scene Operatives (SOCO) at arson investigators ng Olongapo City Fire Department  sa natu­rang kaso.

Show comments