Paslit utas sa sunog

MANILA, Philippines - Isang 3-taong gulang na batang lalaki ang nasawi sa naganap na sunog sa Brgy. Bulacao, Talisay City, Cebu kamakalawa ng gabi. Natusta at halos hindi na makilala ang bangkay ng biktimang si Mark Lester Tisoy ng marekober ng mga bumbero sa loob ng nasunog nilang tahanan.

Sa ulat ng Talisay City Fire Marshal, bandang alas-6:00 ng gabi ay nakita ang biktima kasama ng kanyang kakambal habang naglalaro ng posporo sa loob ng kuwarto ng kanilang tiyahin na si Rosela Tisoy.

Ilang saglit pa ay nagsimula ang sunog sa silid ni Rosela at mabilis na kumalat ang apoy dahil maraming thinner sa loob ng tahanan at iba pang kagamitan sa paggawa ng religious items na negosyo ng pamilya ng biktima.

Bukod sa bahay ng pamilyang Tisoy ay nasunog din ang anim pang kalapit nilang tahanan. Sinasabing hindi na nagawa pang iligtas ng kanyang mga kaanak ang biktima dahil malaki na ang apoy nang mapansin nila ito.

Show comments