MANILA, Philippines - Isang 8-anyos na batang lalaki ang namatay makaraan na aksidenteng mabaril ito ng kanyang 12-anyos na kuya naganap sa isang liblib na lugar sa Taytay, Palawan, ayon sa naantalang ulat kahapon.
Nasawi noon din ang biktima na si Gian Paulo dela Vega dahil sa isang tama ng bala sa kanyang katawan.
Na-trauma naman ang kapatid nitong 12-anyos na itinago sa pangalang Alexander matapos na mapatay ang kapatid.
Sa report ng Palawan Police, naganap ang insidente sa bahay ng mga biktima sa Sitio Kawakayan, Brgy.Alacalian bandang alas-12:00 ng madaling araw noong Enero 1.
Ayon sa imbestigasyon, aksidenteng nakita ng suspek ang isang improvised na baril na pag-aari ng kanilang kapitÂbahay.
Dito ay kanyang iniuwi sa bahay at pinaglaruan at nakalabit ang gatilyo at ang bala ay sumapul sa katawan ng nakababatang kapatid na nasa kanyang harapan.
Matapos ang insidente ay umalis ng kanilang bahay ang suspek at umuwi lamang kamakalawa.
Pinag-aaralan ng pulisya kung may pananagutan ang mga magulang ng magkapatid sa kaso.