Babae tumalon sa riles ng MRT, naputulan ng paa
MANILA, Philippines - Naputulan ng kaliwang paa ang isang babae matapos itong nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa riles ng Metro Rail Transit (MRT) sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.
Ang biktima ay nakilalang si Rica Roma Fernandez, 28, ng 1213 M. Delos Reyes St., Gen. T. de Leon, Valenzuela City.
Sinasabing kinailangang putulan ng kaliwang paa ng biktima sa Polymedic General Hospital dahil nadurog ang buto nito matapos na
maipit sa riles ng tren.
Ayon kay MRT General Manager Al Vitangcol, dakong alas-11:14 ng umaga
kahapon nang maganap ang insidente sa southbound lane ng MRT-Shaw
Boulevard Station.
Sinasabing paparating ang tren nang biglang tumalon ang biktima.
Nahirapan ang mga otoridad na maalis kaagad ang pagkakaipit ng babae sanhi upang pansamantalang itigil ang operasyon at halos mahigit isang oras bago naibalik sa normal ang operasyon ng MRT.
Kaugnay nito, muli namang nagpaalala ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa publiko na bawal ang paghu-‘horse playing’ o pagbibiro ng kunwaring pagpapakamatay sa mga istasyon ng LRT at MRT na may katapat na parusang pagkakulong.
- Latest