Holdaper na pumaslang ng trader, timbog
MANILA, Philippines - Timbog ang isang notorious na holdaper na sinasabing responsable sa panghoholdap at pagpatay sa dalawang negosyante sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nadakip na holdaper na si Charlie Mamalayan, 27, na sinasabing bumaril at nakapatay sa negosyanteng si Genesis Olbedencia, 36 ng Barangay Commonwealth sa lungsod na naganap noong October 16, 2012.
Ayon kay SPO4 Alan dela Cruz, hepe ng Theft and Robbery section ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit, mayroon silang tatlong testigo na positibong nakakilala kay Mamalayan bilang gunman ni Olbedencia.
Bukod sa biktimang si Olbedencia ay sinasabing si Mamalayan din ang siyang responsable sa pagbaril ay pagpatay kay Marvin Sandiko, 35, may-ari ng Noel Money Changer noong December 14.
Sinabi ni SPO4 dela Cruz, inaresto nila si Mamalayan sa isang lugar sa Laguna makaraang siyang isumbong sa mga awtoridad ng mga nakakakilala sa kanya bilang isang notorious na holdaper na walang takot kung pumatay ng tao.
- Latest