Holdaper bulagta sa parak
MANILA, Philippines - Bulagta ang isang holdaper makaraang manlaban sa mga miyembro ng Manila’s Finest sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ang napatay na holdaper ay nakilalang si Roger Rabina, 32-anyos, isang barker na residente ng Area B, Gate 14, Parola Compound, Tondo.
Nakatakas naman ang hindi pa nakikilalang kasama ni Rabina na responsable sa panghoholdap sa isang pasahero ng kuliglig.
Sa ulat ni SPO1 Mario Asilo, ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-10:15 ng gabi, sa panulukan ng CM Recto at J. Abad Santos Avenue, sa Tondo.
Bago ang insidente, isang Mark Pantaleon, 28, binata, collector at residente ng Batasan Hills, Quezon City ang humingi ng saklolo sa nagpapatrulyang grupo ng MPD-station 2 Anti-Crime Unit na kinabibilangan nina PO3 Nelson delos Reyes, PO3 Enrico Tendero, PO3 Clyde Villareal at PO2 Laurence Ignacio, matapos umanong holdapin ng dalawang armadong suspek habang sakay ng kuliglig, kung saan natangay ang kanyang itim na shoulder bag na naglalaman ng P2,000 cash at mahahalagang gamit.
Itinuro ni Pantaleon sa mga pulis ang tumatakas na mga suspek at nang habulin at tangkaing pahintuin ay agad umanong nagpaputok si Rabina kaya gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta ng pagkamatay nito habang nakatakas ang kanyang kasama.
Dumating sa crime scene ang isang Teresita Lampasa na nagsabi sa mga awtoridad na manugang niya ang nakabulagta.
Narekober mula sa napatay na suspek ang bag ng collector at isang kalibre 38 baril na may dalawa pang bala.
- Latest