Habang itinatakas sakay ng bus… Kidnaper tiklo sa iyak ng sanggol

MANILA, Philippines - Kung hindi pa tumigil sa pag-iyak ang isang sanggol na lalaki sa loob ng bus na patungong Quezon City ay hindi matutuklasan na siya ay dinukot ng isang dalagita na kuma­karga sa kanya.

Ang suspek na nasa kostudya ng pulisya ay itinago sa pangalang Gigi, 16-anyos na pinaghihinalaang miyembro ng sindi­kato na nandurukot ng mga bata.

Batay sa imbestigas­yon ng pulisya, bago na­aresto ang suspek ay nadiskubre ni Marilyn Santogus, 23, dakong alas-8:00 kamakalawa ng gabi ang pagkawala ng kanyang dalawang buwang gulang na anak na natutulog sa duyan sa loob ng kanilang bahay sa Block 2, Lot 25, C-5 Road, Seaside, Brgy. Tambo, Parañaque City makaraang magi­sing siya sa mahimbing na pag­tulog.

Agad na  inireport ni Santogus at kanyang live-in partner na si Alexander Delos Santos ang pagka­wala ng kanilang anak sa pulisya.

Habang itinatakas ng suspek ang sanggol sakay ng pampasaherong bus na may biyaheng Sapang Palay-Bulacan ay napansin ito ng kumadronang si Imelda Tabora dahil sa  walang tigil na palahaw ng iyak habang karga nito.

Pinayuhan ni Tabora ang dalagita na padedehin ang sanggol, ngunit sumagot ito na wala siyang dalang gatas at anak umano ito ng kanyang tiyahin.

Dito na nagduda si Ta­bora kaya hiniling sa konduktor ng bus na humingi ng tulong sa pulis.

Tinangka pa umanong tumalon sa bus ng dalagita ngunit agad itong napigilan ng driver at konduktor at dinala sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya sa Quezon City.  

Sa imbestigasyon, natuklasan na dinukot ng suspek ang sanggol na anak nina Santogus at Delos Santos.  

Naisoli na rin agad ang sanggol sa kanyang mga magulang.

Inihahanda na ng pulis­ya ang isasampang kaso sa dalagita at inaalam na rin kung sino ang kasabwat nito para rin makasuhan.

 

Show comments