MANILA, Philippines - Natupok ng apoy ang isa sa tatlong pinakamatandang simbahan sa lalawigan ng Camarines Norte naganap kahapon ng madaling-araw sa bayan ng Vinzons.
Ayon kay Monsignor Francisco Regala, kura paroko ng San Pedro Apostol, nagsimula ang sunog dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa bahagi ng lumang kumbento.
Nahirapan umano ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy dahil sa lakas ng hangin dulot ng bagyong Quinta kaya nabigong maisalba ang mga mamamahaling rebulto ng santo at mga kagamitan ng simbahan.
Wala namang naitalang nasugatan at nasawi sa naganap na sunog na pinaniniwalaang sanhi ng faulty electrical wiring kung saan tanging ang konkretong pader ng simbahan na itinayo noong taong 1581.
Naapula ang apoy bandang alas- 6:00 ng umaga matapos na magresponde ang mga bumbero.
Samantalang tinataya namang aabot ng P8-P10M ang pinsala sa nangyaring sunog na nataon pa naman sa nalalapit na pagsalubong sa Bagong Taon.