MANILA, Philippines - Tatlong katao ang kumpirmadong nasawi sa naganap na sunog noong araw ng Pasko na tumupok sa mahigit 500 kabahayan sa Barangay St. Joseph, San Juan City na ang pinagsimulan ng sunog ay paglalaro ng dalawang paslit ng posporo at nakasinding kandila.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Wilfredo Dineros Jr., 54, residente ng #9-B Joeffrey St., kapatid ng barangay chairman na si Captain Nelly Duka na ang bangkay ay nadiskubre dakong alas-11:00 ng umaga kahapon sa loob ng banyo ng kanilang bahay; ang bulag na si Jose Marco, na na-trap sa sunog at Michael Muñoz na umano ay binugbog hanggang sa masawi.
Batay sa ulat ng Fire Bureau, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng tahanan ng isang Francisco Baulite na matatagpuan sa Marne St. kung saan naglaro umano ng kandila ang magpinsang sina Simon Baulite at Edmelyn Robles bago matapos ang pagdiriwang ng Noche Buena ng kanilang pamilya.
Matatandaang dakong alas-2:25 ng madaling-araw nang maganap ang sunog at mabilis na kumalat sa mga kalapit na bahay na pawang gawa lamang sa mga light materials.
Inabot pa umano ng apat na oras bago tuluyang naapula ang apoy na nagresulta sa pagkatupok ng bahay ng 1,000 pamilya at pagkasawi ng tatlong katao.