MANILA, Philippines - Kapwa hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang magtiyuhin habang dalawang babae ang nasugatan matapos na mamaril ang isang lalaki habang nasa kainitan ng pagdiriwang ng Pasko kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Jayson Yago Esmer, 21, contruction worker at tiyuhing si Esteban Calbario Esmer, 46, karpintero; habang nasugatan nang tamaan ng ligaw na bala sina Marilyn Esmer, 50, nanay ni Jayson, at kaanak na si Monica Reyes, 15.
Batay sa ulat, pasado alas-12:00 ng hatinggabi ay nagdiriwang ng pagsalubong sa Pasko ang pamilya Esmer sa harap ng kanilang bahay sa Kasiyahan St., nang biglang dumating ang suspek at wala sabi-sabing nagbunot ng baril at pinagbabaril ang magtiyuhin na kung saan ang ibang bala ay tumama sa dalawang babae.
Mabilis na tumakas ang suspek na may kapayatan, nakasuot ng bonnet at jacket na kulay pink.
Si Jayson ay naisugod sa Malvar General Hospital, pero hindi na umabot ng buhay, ganap na alas-2:15 ng madaling-araw, habang si Esteban ay idineklara namang dead-on-arrival sa may East Avenue Medical Center, ganap na alas-2:27 ng madaling-araw.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen.