MANILA, Philippines - Kahit nabilanggo sa kasong panggagahasa sa isang menor-de-edad si dating Congressman Romeo Jalosjos, ay lalong lumakas ang kontrol ng pamilya niya sa buong Zamboanga Peninsula kaya binansagan silang bagong Ampatuan dynasty ng Mindanao dahil sa huling pagtatala, ay nasa 16 miyembro ng pamilya Jalosjos ang tatakbo sa Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte at Zamboanga, Sibugay at kinuwestiyon ang Comelec sa rehiyon kung paano nakalulusot ang kandidatura nila kahit hindi totoong residente sa mga lugar na tatakbuhan.
Mismong si Zamboanga del Sur Gov. Antonio Cerilles ang kumilala sa makakaribal niya sa Mayo 2013 na si Dapitan City Mayor Dominador Jalosjos. Sa 1st district ng lalawigan, kakasa si Kat-Kat Jalosjos sa kanyang misis na si reeleksiyonistang Rep. Aurora Cerilles.
Tatakbo rin ang kaalyado ng mga Jolosjos na si Pagadian City Mayor Samuel Co laban sa reeleksiyonistang si Rep. Victor Yu sa 2nd district ng Zamboanga del Sur. Nasangkot si Co sa kontrobersiyal na Aman Futures Group na nakaraket ng P12 bilyon sa Zamboanga Peninsula.
Isa pang kaalyado ng mga Jalosjos na si Zamboanga del Norte Gov. Rolando Yebes ang lalaban sa 2nd district ng lalawigan laban sa reeleksiyonistang si Rep. Rosendo Labad-labad.
Sa Zamboanga del Norte gubernatorial post, kakasa ang asawa ni Dipolog City Mayor Evelyn Uy na si Roberto Uy laban kay Cesar Jalosjos. Tatakbo rin sina Rep. Bullet Jalosjos (first district) at Hannah Jalosjos (third district) sa lalawigan.
Makakaharap naman ni Mayor Uy sa Dipolog City si dating Rep. Cecilia Jalosjos Carreon at muli namang tatakbo si Zamboanga Sibugay Gov. Rommel Jalosjos sa lalawigan.