Misis na asset ng pulis, itinumba
MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang misis na sinasabing asset ng pulis habang siya ang naglalaba sa tahanan ng kanyang kaibigan sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Charline Mae Gigantoca “alyas Jaja”, 27, nakatira sa #203 Sitio Maligaya St., Barangay Baclaran, Parañaque City.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO3 Allan Valdez, ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa Bagong Cuneta St., Pasay City.
Kasalukuyan umanong naglalaba ang biktima kasama ang kanyang kaibigan na si Iglesirio Murillo sa naturang lugar, nang biglang sumulpot ang isang hindi pa nakikilalang suspek at agad na binaril ng tatlong beses sa ulo ang biktima.
Natulala na lamang si Murillo sa naganap na insidente dahil sa biglaang pangyayari.
Patuloy na iniimbestigahan ang nasabing kaso at inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa pagiging police asset ng biktima kaya ito pinaslang.
- Latest