2 taga city hall utas sa vendor
MANILA, Philippines - Dalawang empleyado ng Pasig City hall ang nasawi at isa pa ang nasa malubhang kalagayan nang sila ay pagbabarilin habang nagsasagawa ng clearing operation sa mga illegal vendor sa Pasig Public Market, kamakalawa ng gabi.
Ang dalawang biktima na kapwa personnel ng Batas ng Ciudad Enforcement Office (BCEO) ng Pasig City ay nakilalang sina Rey Martinada, 25, residente ng Centennial Road, Barangay Pinagbuhatan at Rommel Caiga, 39, ng Barangay Rosario sa lungsod.
Agad na nasawi ang dalawa bunsod ng tinamong tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa ibat-ibang parte ng katawan habang nananatili namang nasa kritikal na kondisyon sa Pasig City General Hospital si Alma Lacy, 50, dahil sa tinamong tama ng bala sa kanyang mukha.
Nabatid mula kay P/Senior Supt. Mario Rariza, hepe ng Pasig City Police, ganap na alas-11:30 ng gabi nang maganap ang krimen habang nagsasagawa ng night clearing operation ang mga biktima sa mga illegal vendor sa isang tiangge sa Pasig Public Market na makikita sa Barangay Palatiw sa lungsod.
Kaagad namang ipinag-utos ni Pasig City Mayor Bobby Eusebio sa mga awtoridad ang masusing imbestigasyon at agarang pagresolba sa pagkamatay nina Martinada at Caiga.
“Hindi natin dapat palampasin ang mga ganitong pangyayari dahil ang ganitong insidente ng karahasan ay dapat panagutan ng mga gumawa nito, kahit sa pangkaraniwang mamamayan, lalo pa’t ang mga naging biktima ay mga public servant,” ani Mayor Eusebio.
Tiniyak din ng alkalde na pagkakalooban ng city government ng free service at burial benefits ang mga nasawing biktima at karagdagang financial assistance para sa kanilang pamilya.
- Latest