Bala para sa kaibigan sinalo

MANILA, Philippines - Isang 28-anyos na mister ang nasawi makaraang saluhin ang bala para sana sa kanyang kaibigan na nakorner ng mga suspek na humahabol sa kanya sa  Sta. Mesa, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Apat na tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang  tinamo ng biktimang si Jeffrey Futo, ng #437 Cattleya St. Old Sta. Mesa, Maynila, habang nasugatan naman ang kaibigan nitong si Kevin dela Cruz, 24, entrepreneur na taga 320 Lakas St., Bacood, Sta.Mesa, Maynila.

Nabatid mula kay SPO3 Rodelio Lingcong ng Manila Police District-Homicide section, naganap ang insidente dakong alas-3:00 ng madaling araw sa panulukan ng Damka St., corner Old Sta.Mesa, Maynila.

Bago naganap ang pamamaril, ibebenta umano ni dela Cruz ang motorsiko ng kanyang kaibigan ng dumating ang suspek na armado ng baril at itinutok sa una.

Sa takot, mabilis nitong minaneho ang dalang motorsiklo pero nawalan ito ng kontrol at tumumba sa semento kasama ng motorsiklo at nang makatayo ay pinuntahan nito si Futo na nakatayo sa harap ng Ledy’s Internet Café.

Tinanong umano ng biktima kay dela Cruz kung ano ang nangyari pero habang ipinapaliwanag nito ay dumating na ang suspek na armado ng baril.

Tinutukan umano si dela Cruz pero agad na humarang ang biktima kaya siya ang napuruhan ng bala.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod sa UERM  hospital pero idineklarang dead-on-arrival.

Sa ngayon ay patuloy pang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhang ng Manila’s Finest  upang mabatid at maaresto ang suspek at kung ano ang motibo ng krimen.

Show comments